John Prats newest teen heartthrob
By: Jimi Escala
From: Teen Movie Magazine   [March 18, 1999]


    Walang dudang si John Prats na nga ang nangunguna sa mga kapanabayan niya. Siya ang masasabing most promising at sa takbo ng pangyayari ay mukhang siya ang the next Aga Muhlach of the Philippine movies.

    Taglay niya ang mga katangian ng isang artistang malayo ang mararating sa showbiz. At sa mga nakausap naming tagahanga niya ay hindi raw sila nanghihinayang sa suportang ibinigay nila ngayon sa kanya dahil sa ugali pa lang daw ay kakaiba na ang takbo kaysa iba pa niyang kasamahan.

    Kaya hindi kataka-taka kung bakit parami nang parami ngayon ang sumusuporta sa makulit na bagets na ito.

    Paano ba siya magmahal sa mga fans niya?

    "Ako, madalas ko silang kinakausap. 'Pag tinatawag nila ako ay sinasagot ko agad sila. Ayokong magsuplado sa kanila dahil alam kong malaki ang maitutulong nila sa aming mga artista. Maging mabait ka lang sa mga fans mo ay hindi ka na nila pababayaan.

    "Lagi kong ngang sinasabi sa kanila na lagi nilang gawin ang the best nila. I mean, do your best and not the second best, kasi kung kaya mo rin namang maging number one then why settle for the second best di ba?"

    How about girls, kumusta naman ang kapilyuhan niya?

    "Ako kasi ay hindi ko iniisip na madali akong makapanligaw dahil sa may hitsura ako. Mas gusto ko talaga sa babae ay 'yung mahirap ligawan at hindi 'yung 2 weeks ka lang manliligaw ay girlfriend mo na agad. Gusto ko 'yung matagal na ligawan," sagot pa ni John sa amin.

    At his age ay normal lang sa mga kagaya niya ang pag-usapan ang mga crushes niya. Si John ay very open sa pagsasabing si Paula Peralejo ang crush niya. Puwede rin bang pag-usapan ang mga naging girlfriend na niya?

    "Sa school pero matagal na 'yun pero sa showbiz wala pa. May balak akong ligawan pero saka na lang siguro," tugon pa agad ni John.

    Five years from now ay magiging binata na ang kalog na ito. Ano ang nakikita niya sa sarili niya?

    "Sana active pa rin ako sa movies pagdating ng time na 'yun. Kumbaga, sana nakapagbida na ako at sana makagawa na ako ng isang drama movie na masasabi kong akin talaga."

    'Yan si John. Ang bagong tinitilian ngayon ng mga bagong sibol na mga tagahanga.


list all articles