John: On His New Car and Loveteam
By: Joey Diego
From: Teenstars   [March 30, 2001]


    Tuluy-tuloy ang pag-angat ng career ni John Prats. Maraming nakakapansin na siya ang pinakatinitilian at may pinakamaraming fans sa grupo ng JCS. Bukod sa bago niyang show (Da Body En Da Guard), ay malapit nang ipalabas ang movie niyang ""Sila Ang Latest...Pass It On"with Aga Muhlach and Joyce Jimenez. Tila napakaraming blessings ang dumarating sa kanya kaya naman masayang-masaya ang guwapong bagets.

    Nakabili na rin si John ng bagong sasakyan na matagal din niyang pinag-ipunan. Proud na proud ang bagets sa bago niyang RAV 4 na kulay blue. Nakakuha na rin daw siya ng driver's license pero hindi pa rin siya pinapayagang mag-drive mag-isa ng kanyang mommy at daddy.

    "Sobrang tuwa ko nang bilhin ko ito. Tinulungan din ako ng Daddy ko kaya may share rin siya dito. At kapag nagkaroon ulit ako ng savings, balak naming bumiling townhouse. Dream ko talaga magkaroon ng sariling bahay kaya kailangan kong magtrabaho nang husto. Siguro, mga ilang years pa from now bago mangyari 'yon.

    "Nagpapasalamat ako sa mga blessings na dumarating sa akin ngayon. Bukod sa may dalawa akong regular shows (G-mik at Da Body En Da Guard), natapos na rin namin 'yung movie ko with Tito Aga ang Joyce. Bale ito na 'yung movie ko after Tanging Yaman tapos may plano rin ang Star Cinema na bigyan ulit ako ng bagong project," nakangiting kuwento ni John.

    Eh, how true na pinayagan na rin daw siya ng kanyang Mommy at Daddy na manligaw at magkaroon ng girlfriend.

    "Totoo 'yun, pero wala pa akong natitipuhan eh. Pinayagan na nila ako pero wala pa akong nakikitang girl na magugustuhan ko. Naghahanap pa rin ako, at baka naman may puwede kayong i-reto sa akin, sabihin niyo lang!" pabirong sabi pa ni John.

    Samantala, maganda ang bago niyang ka-loveteam na si Heart Evangelista at balitang gusto siya ng mga parents nito. Anong masasabi niya dito?

    "Maganda at mabait si Heart, very thoughtful siya kaya hindi naman siya mahirap magustuhan. Kaya lang, as much as possible ay ayokong haluan ng personal feelings 'yung trabaho namin dahil baka maapektuhan lang ito lalo na kung mag-away kayo. Hindi naman sa negative ako mag-isip, pero ang dami ko ng nakikitang cases na ganyan at ayokong mangyari sa 'kin 'yon."

    "Pero hindi naman ako nagsasalita ng tapos. At saka hindi natuturuan ang puso kung kailan ito dapat tumibok at ituro kung sino ang magugustuhan mo. Kaya kung saan man hahantong ang loveteam namin ni Heart, time will tell. Sa ngayon ay mas okey kami bilang magkaibigan," sagot pa niya.

Paano kung magsimula 'yon sa friendship nila?

    "Ewan ko. Hindi ko masasagot at hindi ko rin puwedeng sabihin na hindi mangyayari 'yun."

    Marami na rin sa mga kasamahan niya sa Talent Center ang pumoporma kay Heart. Hindi ba siya natatakot na maagawan pa siya ng iba?

    "Hindi naman. Kung may manliligaw man sa kanya, wala namang masama ro'n. Friends lamg kami at nasa kanya na 'yon kung may magugustuhan siya," pagtatapos ni John sa aming tsikahan.


list all articles