Sila na nga raw talaga ni Heart?!
By: Nora Calderon
From: Movie Flash Magazine   [December 05, 2002]


    Halatang ninenerbiyos si John Prats nang humarap sa movie press para sa presscon ng bagong youth-oriented show ng ABS-CBN, ang Berks na nagsimula namg mapanood last Saturday, November 16, 4:00 p.m. sa Channel 2, at diniderek ng blockbuster movie director ding si Gilbert Perez.

    Nakiusap si John sa press na tulungan sila upang mag-succeed ang show na pinangungunahan nila ni Heart Evangelista. Alam daw niyang malaking responsibilidad ang pinasok nila ng ka-loveteam na si Heart dahil sila nga ang lead among the new stars of the said youth-oriented show kung saan role ni John ay si Javie, isang campus heartthrob.

    Habang tumatagal, parami nga nang parami ang mga fans ni John dahil sa pagiging guwapo, sweet and gentleman niya.

    Maging ang mga bago nilang kasama sa show ay hindi nahirapang makitungo sa young actor.

    "May bonding na po kami agad ng mga kasama namin dito," sabi pa ni John. "And everybody is cooperative pagdating sa trabaho, lalo pa at napakabait ni Manong (tawag nila kay direk Gilbert Perez) na magdirek. Para niya kaming mga younger brothers and sisters kung ituring at very supportive siya sa amin."

    Ang mga kasama nila sa show ay sina Karel Marquez, Hazel Ann Mendoza, Sarah Christophers, Allyson Lualhati, Marc Acueza, Greg Martin at Jay Salas of the Power Boys, Khalil Kaimo, Michael Allen Eusebio, John Wayne Sace, Joy Chiong, etc.

    Kung ang Berks ay bagong term ng mga kabataan sa "Barkada", loyal ba naman si John sa kanyang mga ka-berks in and out of showbiz?

    "Opo at sabi po nila, iyon daw ang mali ko, dahil masyado raw akong loyal sa mga friends ko. I don't know how to say 'no', lalo pa at kaya ko namang gawin o kaya kong ibigay ang hinihingi nila. Pero may limitations pa rin naman ako, lalo na kung hindi ko kayang gawin at hindi ko rin kayang ibigay."

    Sa ngayon, bale apat na ang mga shows ni John sa ABS, pagkatapos ngang mawala ang kanilang youth-oriented show na G-mik, bukod sa Berks ay semi-regular na rin siyang naggi-guest sa Arriba! Arriba! kung saan magkatambal pa rin sila ni Heart, dahil ipinu-push na talaga ang kanilang loveteam, at nasa ASAP din siya every Sunday.

    At every Wednesday, napapanood naman siya sa Whattamen kung saan kasama niya ang forever crush niyang si Joyce Jimenez.

    "Talaga pong college po ako ngayon sa Thames International Business School sa Libis, Quezon City, taking up Information Technology. Hindi ako naga-absent sa klase maliban na lang kung talagang kailangang-kailangan ako sa taping, although may usapan na rin kami sa school, dahil alam nilang artista ako at may times na hindi ako talaga puwedeng pumasok. Nagmi-make-up na lang ako sa mga lessons ko pagkatapos."

    Pero ano nga ba ang real score sa kanila ni Heart?

    "Hindi ko pa po nililigawan si Heart, pero best friends kami. Hindi po kasi ako marunong manligaw. Hindi po ba kung nanliligaw kayo, ipapakita mo ang the best in you, para ka magustuhan ng nililigawan mo?"

    "But with Heart, nakita na niya ang totoong ako. Nakita na niya kung bagong gising ako, na kung minsan wala ako sa mood lalo na 'pag magkasama kami sa mga locations o sa mga shows namin. Open kami sa isa't isa at nakita ko na rin siya kung bagong gising siya. She's still very sweet and always smiling kahit bagong gising."

    "Ayaw ko po yung nagpaparamdam, pero kung friend kita, mararamdaman mo ang ginagawa ko. I'm a very sweet person. Madalas, dinadalhan ko ng food si Heart, kung minsan naman, lahat sa cast, may dala akong pagkain para sa kanila, pero medyo special ang dala ko para kay Heart."

    "Totoo pong nang una ko pa lang makita si Heart, nagka-crush na agad ako sa kanya. Gusto ko iyong pagka-tsinita niya at sabi ko, sana, maging friend ko siya. Sinagot naman ni Lord ang dasal ko dahil nakasama ko nga siya sa G-mik at nakita nila ang chemistry namin ni Heart, kaya ginawa na kaming magka-loveteam doon pa lang sa aming first youth-oriented show."

    Pero may tsika na sila na raw ni Heart kaya lang ay natatakot siya sa Daddy nito kaya napagkasunduan nila na ilihim muna ang kanilang relasyon?

    "Paano ko po liligawan si Heart, naging friend ko ang Daddy niya at iyon nga po ang sinabi niya sa akin na bata pa raw si Heart para ligawan. Nirerespeto ko ang Daddy ni Heart kaya hindi ko siya puwedeng ligawan."

    "Kung dumating po iyong time na ako ang magustuhan ni Heart, 'di masaya. Willing naman akong maghintay. Sa akin kasi, kung kami talaga ang para sa isa't-isa, tiyak na kami pa rin pagdating ng panahon."

    Ayaw ba niyang ipaglaban ang nararamdaman niya para kay Heart?

    "Bakit po hindi, kaya lang, nagkakaintindihan kami ni Heart na dapat ang career at studies muna namin ang aming maging first priority. Noon pa naman, iyong una kong non-showbiz girlfriend, ipinaglaban ko siya sa family ko. Ayaw kasi nila sa kanya dahil iyong way ng pagdadamit niya. Ako po naman kasi, hindi ako particular sa physical appearance. Hindi rin nagtagal ang relasyon namin, six months lang iyon at umalis na siya papuntang States."

    "Ang gusto kong maging wife ay iyong kamukha ng mother ko, hindi po sa appearance, kundi sa kanyang ugali. Ang bait-bait kasi at napaka-understanding ng Mommy ko, sana, ganoon din ang ugali ng mapapangasawa ko," sabi pa ni John.

    Na kay Heart ba ang mga katangiang iyon ng Mommy niya?

    "Marami po kaming bagay na pinagkakasunduan ni Heart," nakangiting sagot pa ni John. "Siguro po, dahil pareho ang aming birthday, sa February 14, one year lang ang tanda ko sa kanya," sey pa ni John.


list all articles