Heart, John, parang aso't pusa ang love affair
By: Danny Vibas
From: www.kabayanonline.com   [October 2003]


    "WE'RE more than friends now, but we're not yet there," pasubali ni Heart Evangelista tungkol sa relasyon nila ni John Prats. Actually, kapag magkatabi sila, obvious na sila na nga. Ang sweet-sweet nila sa isa't isa, bagama't hindi pa naman sila umaabot sa puntong nagyayakapan at naghahalikan sa harap ng madla. Pero bakit ayaw pang tahasang aminin nung dalawa na sila na nga?

    Sa bibig din ni Heart nanggaling ang palihis na kasagutan: "Kahit na kasi nag-18 na ako, medyo nahihiya pa ako sa parents ko na magkaroon agad ng boyfriend. Ayokong sirain ang pagtitiwala nila sa akin," pahayag n'ya nung press conference kamakailan para sa pelikula nilang My First Romance na nakatakdang ipalabas ngayong Oktubre.

    Pagtatapat naman ni John: "Mahirap naman kasing hindi ako ma-develop kay Heart. Lagi kasi kaming magkatrabaho. Sa mga araw nga na hindi ko siya kasama, talagang nami-miss ko siya. Ewan kung ano'ng tawag sa ganu'ng feeling at pagpapahalaga sa isang babae."

    Pero kapag magkasama pala sila, para silang aso't pusa na maya't maya kung magkapikunan. "Bati-galit sila. One minute, sweet na sweet o masayang-masayang nag-uusap. The next minute, magkagalit na, ayaw nang mag-usap. Tapos, maya-maya uli, bati na naman," kuwento naman ng director nilang si John Lazatin. "Pero, kapag take na, pag ready na akong idirek sila sa isang eksena, ke magkagalit sila o magkabati, pinapaharap ko sila sa kamera at pinapa-acting. Happily, nakukuha naman nila maski na ang romantic scenes nila kahit na just a minute ago ay magkagalit sila," dagdag pa ng director.

    Twin-bill nga pala ang My First Romance na ang producer ay ang Star Cinema. Yung isang istorya ay sina Bea Alonzo naman at John Lloyd Cruz ang mga bida. Bale launching nung dalawang loveteams ang pelikula.


list all articles