John, ayaw bigyan ng ka-loveteam?
By: Veronica Samio
From: Pilipino Star Ngayon   [November 21, 2004]


    Kung kailan gamay na si John Prats na makatrabaho si Maja Salvador, at katunayan ay unti-unti nang nagkakahulihan sila ng loob ay saka naman inalis ang bagong aktres sa It Might Be You at inilipat sa isang sisimulang palabas. Syempre, windang na naman ang kalooban ni John. Parang umuulit ang kasaysayan nila ni Heart Evangelista na kung kailan tinanggap na sila ng mga tagahanga ay bigla ang desisyon na papaghiwalayin sila.

    "Hindi ko nga ho alam pero, feel ko parang ayaw akong bigyan ng ka-loveteam. Nalulungkot ako dahil matagal din bago kami nagkahulihan ng loob ni Maja, tapos, maghihiwalay din pala kami. Pero, wala akong magagawa kundi ang sumunod sa nakatataas. Kaya lang nalilito na ako, kung sino ang susunod na ibibigay sa aking kapareha," anang aktor na itinuturing na isa sa pinaka-gwapo sa mga kabataang artista ngayon at nahiram ng Regal sa ABS CBN para gumanap ng role ng batang Jay Manalo sa Mano Po 3.

    Kung tutuusin, hindi isang Star Cinema creation si John dahil ang Regal ang nagbigay sa kanya ng kanyang pinaka-unang break, sa pelikulang Batang X. Ang paglabas niya sa Mano Po 3 ay pagbabalik lamang sa fold ni Mother Lily Monteverde na kumuha sa kanya sa Batang X.

    Sa pelikula, he will be seen romancing Angelica Panganiban bilang batang Vilma Santos.

    Bagaman at makikita lamang si John sa mga flashbacks ng MP3, maituturing ang role na pinaka-most serious assignment niya. Kapag di niya nakumbinsi ang manonood kung gaano siya ka-devoted kay Angelica sa flashback, hindi siya magiging epektibo at masasapawan siya ng mga kasamahan niyang kabataang artista rin.

    Ang Mano Po 3 na nasa direksyon ni Joel Lamangan ay nagtatampok din kina Vilma Santos, Christopher de Leon, Boots Anson Roa, Eddie Garcia, Sheryl Cruz, Carlo Aquino, Karylle, Angel Locsin at Dennis Trillo.


list all articles