May init pa ba ang tambalan nina John at Heart?
By: Zar Baisas
From: Liwayway Magasin   [February 23, 2004]


    Last year, isa sa pinakamainit na mga tambalan ay ang kina John Prats at Heart Evangelista. Hindi lang sa talebisyon at pelikula kundi maging sa commercials. Naging malakas pa nga ang ugung-ugong na sila'y magkasintahan maging sa tunay na buhay. May sarili silang hukbo ng mga tagahanga na talaga namang matindi ang suporta sa kanila. Mainit na mainit ang kanilang love team kumbaga. Para silang kambal na bituin na nagniningning kahit sa gitna ng sikat ng araw.

    E, ngayon? Mawawala na sa ere ang Berks na nagpatingkad ng kanilang pangalan. Lalamig na rin kaya ang init ng kanilang tambalan? Marami kasi ang nagsasabing kung tuluyan nang mamaalam ang naturang show ng ABS-CBN ay mabubuwag na rin ang pader na kanilang sinasandalan - ang mga masugid na sumusubaybay sa kanilang pagi-ibigan sa istorya. Kung wala na ang fans ng Berks, goodbye na rin kaya ang tambalan nina John at Heart?

    "Tuloy pa rin naman ang love team namin ni Heart," wika ni John. "Ang alam ko kasi ay may ipapalit na show na kami pa rin ang magkapareha. Besides, kasama ko pa rin naman siya sa ASAP ay may gagawin daw ulit kaming pelikula. Kahit naman siguro nasa iba kaming programa ay hindi iiwan ng fans dahil wala namang magbabago sa amin ni Heart. We see to it na kahit wala kaming taping o ibang proyekto ay nagkikita pa rin kami halos araw-araw."

    Ayon naman kay Heart: "Nakakalungkot na mawawala na ang Berks. Pero, sabi sa amin ay career move ang ganito. Para maiba naman ang atmosphere sa aming trabaho dahil nagma-mature na kami ni John at pati na ang mga fans. Siguro, konting pagbabago sa aming tambalan at alam ko na mas magugustuhan kami ng mga patuloy na tatangkilik sa amin. Kami naman ni John ay mas malapit na kaysa rati dahil mas kilala namin ngayon ang isa't-isa."

    Individually, hindi mitatangging kayang magtagumpay nina John at Heart sa kani-kanilang karera. May mga sarili silang katangian na maipagmamalaki. Kaya nga tanggap sila ng mga fans kahit may solong proyekto ang bawat isa sa kanila. Si John ay nasa ibang soap opera (It Might Be You) at si Heart ay nasa commersials. Kaya lang, siyempre, mas happy ang die-hard followers sila kung sila pa rin ang palaging magkapareha. Lalo na kung magkatuluyan na talaga sila sa totoong buhay, di ba?

    Ang problema, gaano katotoo ang tsismis na si Heart ay may boyfriend na at hindi ito taga-showbiz? Abangan!    


list all articles