John Prats, nadi-develop na sa bagong ka-loveteam?
By: Joey Diego
From: Moviestar Magazine   [July 20, 2004]


    Una naming hiningi ang reaksyon ni John Prats hinggil sa bagong tambalan nina Heart Evangelista at Geoff Eigenmann. Walang kagatul-gatol na sumagot si John na happy naman siya dahil finally nakahanap na nga ang dating ka-loveteam ng bagong kapareha.

    Nauna na kasi siyang bigyan ng bagong kapareha sa katauhan ni Maja Salvador kaya para sa kanya kailangan nilang parehong mag-move on.

    "I swear, happy talaga ako para sa kanya. I mean, pareho na kaming may kanya-kanyang bagong kapareha kaya dapat lang kaming maging masaya, 'di ba? We're not closing our doors bilang magkaibigan kaya we'll remain friends forever," gasgas na linyang panimula ni John sa amin.

    Nali-link pa rin sila sa isa't isa kahit hiwalay na sila. Tanggap ni John na laging uungkatin sa kanya ang nakaraan nila ni Heart.

    "Hindi maiiwasan dahil kami ang original loveteam. Kahit paano, may hukbo rin naman kami ng mga tagahanga na nariyan lang. Alam naming masama ang loob nila pero ganu'n talaga ang buhay. Kailangan nilang mag-move on tulad namin," say pa uli ni John.

    Haping-happy si John kay Maja dahil ang dami-dami na nilang supporters. Kahit bago pa lang ang loveteam nila, matindi ang ibinibigay na response sa kanila ng publiko specially ang mga masugid nilang tagasubaybay sa "It Might Be You".

    "Kaya nga nagpapasalamat kami ni Maja sa mga fans na sumusuporta sa amin. Sobrang tuwa namin dahil ang dami kaagad nagkagusto sa amin. Sana nga patuloy silang sumuporta sa amin."

    Tanggap nga ng mga fans niya si Maja dahil tulad ni Heart, bagay na bagay din ito sa kanya.

    "At first, parang ilang ako na pumareha kay Maja kasi noong unang ipakita siya sa akin, ang bata-bata niya. Parang nakababatang kapatid ko lang. Hindi ko ma-imagine na nag-bloom siya ng ganyang kaganda. Nagulat ako dahil ang bilis niyang nag-mature, talagang nag-match kami," tawa-tawang sabi ni John sa amin.

    Ngayong si Maja ang bini-build-up na loveteam sa kanya, gusto pa rin ba niyang ipareha siya sa iba?

    "Oo naman, hindi naman porke't loveteam kami ay hindi na kami puwedeng pumareha sa iba. Just like her, pwede pa rin naman siyang i-partner sa iba sa ibang project pero dapat mas lamang ang pagbi-build-up sa loveteam namin. I mean, pareho kami ng case, puwede kaming pumareha sa iba pero hindi bilang loveteam di ba? Raket lang!" bungisngis pa uli ng binatang younger version ni Aga Muhlach.

    Bagama't si Maja ang kanyang bagong ka-loveteam, mainit pa ring pinag-uusapan ang tungkol sa diumano'y maikli nilang pag-iibigan ni Jeni Hernandez. Panay ang tanggi ni Jeni sa mga interview sa kanya pero patuloy pa ring may nagpapatunay na until now, ito pa rin ang apple of the eye niya. Totoo ba ito?

    "Hindi ko naman naging girlfriend si Jeni. Kaibigan ko lang 'yun at ilang beses lang naman kaming nagkasama sa gimikan. Kung nagdi-deny man siya sa press, totoo naman kasi yun! Hindi naman talaga naging kami kaya walang dahilan para kwestyunin yung pagdi-deny niya," paliwanag pa ng aktor sa amin.

    Ayaw nang pag-usapan ni John si Jeni dahil ang concentration niya ay naka-focus kay Maja.

    "Marami akong puwedeng sabihin tungkol sa kanya. Noong una, wala siyang kadating-dating sa akin. Kasi nga bata pa talaga at sa pakiramdam ko, hindi siya bagay sa akin. Ang payat kasi niya noong ipinakita sa akin. Pero maganda na talaga siya. Hindi pa nga lang nadi-develop. Noong nagsisimula na siyang mag-taping sa show, bigla na lang nag-iba ang aura niya, gumanda siya kaya parang nagulat ako. Bumilib ako at sabi ko sa sarili ko, okay na kami as lovetam, bagay na kami," natatawa pang kuwento ni John sa amin.

    Posible bang ligawan niya si Maja?

    "It's too early to say. Ayoko rin namang magsabi ng hindi dahil halos araw-araw na kaming nagkikita kaya malaki ang posibilidad na magka-developan kami. Malay natin 'di ba? Who knows? Hindi natuturuan ang puso, kapag tumibik, 'yun na 'yun!" huling sabi pa ni John sa amin.


list all articles