John Prats,
Hindi pa tuluyang pinapalaya ang puso

By: Joey Diego
From: Moviestar   [September 06, 2005]


    Bagamat nasa kabilang istasyon na si Camille Prats, masaya ang brother niyang si John Prats dahil muling sumigla ang career ng kanyang kapatid. Kung hindi man daw ito sa ABS-CBN muling nabigyan ng pagkakataon, siguro raw ay ‘yun talaga ang nakatadhana kay Camille.

    Although mas nauna siyang nabigyan ng pagkakataong makapag-guest sa GMA 7, si Camille ang tuluyang nag-ober the bakod.

    "Ganu’n talaga eh! May kanya-kanya tayong destinasyon. Masaya ako para kay Cams kasi dumating ulit ‘yung time na pinaka-asam-asam niya. Hindi man ito nagkaroon ng katuparan sa Dos, at least, nagkaroon naman siya ng pagkakataong makapag-move on sa Siyete at happy ako para sa kanya."

    Siya ang hinuhulaan noong lilipat ng Siyete.

    "Hindi naman talaga ako lilipat.Kinukuha lang nila akong mag-guest.Pinapayagan ako ng Star Magic at wala namang nagiging problema.Wala talaga sa plano ko ang lumipat sa kanila. Naging isyu lang dahil nakita nila akong nag-guest sa Daddydidodu."

    Wala siyang permanenteng ka-loveteam ngayon at kung kani-kanino siya ipinapareha.

    Wala na ba talagang pag-asang magbalik-tambalan sila muli ni Heart Evangelista?

    "Hindi ko kontrolado ang mga bagay pagdating du’n. Kung ano lang naman ang sinasabi nilang gawin ko, sinusunod ko lang.Okay lang kahit sino ang ipareha nila sa akin. Basta for me, trabaho lang lahat ito."

    "Tungkol naman kay Heart, hindi ko pa sure kung ano ang mga susunod na mangyayari. Sa ngayon,malabo pa dahil ipinapareha siya kay Jericho Rosales sa Panday kaya gustuhin man namin, parang imposible pa sa ngayon," paliwanag pa ni John sa amin.

    Nakikipag-date siya once in a while pero wala raw siyang seryosong nililigawan ngayon.

    "I’ll go dating once in a while, pero puro mga non-showbiz.Hindi naman ako seryosong nanliligaw, parang tinitimpla-timpla ko lang muna ang sarili ko at kinikilala ‘yung mga girls na nakikilala ko."

    "Of course, gusto ko talagang magkaroon ng lovelife. Nasa iyo naman ‘yun kung paano mo iha-handle.Kaya lang, wala pa talaga akong nakikitang okay para sa akin."

    Hindi pa raw kasi niya tuluyang pinapalaya sa puso si Heart kaya nahihirapan siyang maghanap ng kapalit nito.

    "Para sa akin,past na ‘yun. Kung nasaktan man ako noon,okay na ako ngayon. Kapag nagkikita kami, okay na,wala ng hurt. Nalagpasan ko na ‘yun. Kinailangan ko pa ngang umalis ng Pilipinas para makalimutan ko siya."