John, masaya na sa Dos
By: ----
From: ----   [May 13, 2005]


    Happy si John Prats na nakatrabaho niya si Maxene Magalona sa ‘Playboy Kuba’ episode ng trilogy movie na Happily Ever After.

    Masaya ang shooting nila dahil nagkasama na sila nu’ng mga paslit pa sila sa Ang TV.

    Akala ni John ay magiging tomboy si Maxene dahil short hair ito dati at malikot. Ngayon ay girl na girl na ito at ang ganda-ganda. Sinasabihan nga niya si Maxene na mag-join sa Binibining Pilipinas.

    ‘Weird’ ang feeling ni John nu’ng mag-taping siya sa GMA ng Daddy Di Do Du (DDDD) dahil sa loob ng 13 years niya sa showbiz ay never siyang lumabas ng ABS-CBN.

    Bisitang-bisita ang trato sa kanya sa set ng DDDD at nanibago siya dahil solo niya ang dressing room.

    Isang buwan din siyang naging guest ng DDDD bilang ka-partner ni Maxene. Nu’ng magpaalam siya sa Dos na maggi-guest ulit ay hindi na siya pinayagan ni Mr. M.

    Hanggang sa Disyembre pa ang kontrata ni John sa ABS-CBN pero ‘yung sa Star Cinema ay nagtapos na. Bale ‘yung D’Anaders ang last movie niya roon sa kontrata niya sa Star.

    Napapabalitang interesado siyang lumipat sa GMA pero so far ay masaya pa siya sa trabahong ibinibigay sa kanya ng Dos.

    May nababaggit sa kanyang bagong teleserye na makaka-love triangle siya nina Heart Evangelista at Geoff Eigenmann.

    "Doon na ako lumaki sa ABS at sobrang laki ng utang na loob ko sa kanila. Hanggang ngayon, nandiyan pa rin ang suporta nila sa akin. But anything can happen, di ba?

    "Lahat naman, posible, eh. Hindi ko nga akalain na makakapag-guest ako sa GMA, eh!" dayalog ni John.

    Hindi raw siya naiinsekyur kay Geoff at sa iba pang mga bagong young actors na kung tutuusin ay mas nauna pa siya pero mas bongga ngayon ang career kesa sa kanya.

    "Para sa akin kasi, ang showbiz, hindi pasikatan, eh, patagalan. So, ‘yun ang goal ko. Kahit sa negosyo gano’n. Long term dapat kesa ‘yung nandu’n ka agad, tapos biglang mawawala. I’d rather be happy na tatagal," sambit ni John.