John, namasyal lang sa GMA
By: Veronica R. Samio
From: Pilipino STAR Ngayon   [May 07, 2005]


    Tapos na ang pamamasyal ni John Prats sa GMA7 na kung saan ay ilang ulit siyang napanood sa programang Daddy Di Do Du na nagde-deliver ng pizza sa bahay nina Maxene Magalona. Marami tuloy ang nag-isip na baka lilipat na siya ng istasyon. Pero, hindi pala, namasyal lamang siya! Ngayon, balik siya sa orihinal niyang bahay sa ABS-CBN na kung saan ay inalagaan siya ng may 13 taon. Bukod sa napapanood siya ng regular sa ASAP Fanatic ay judge pa rin siya sa Star Dance. "Ayaw ko nang maging judge, mahirap panindigan. Mahina ang loob ko," sabi niya nang makausap ko siya sa presscon ng Playboy Kuba ng Regal Entertainment na kung saan ay magkapareha silang muli ni Maxene.

    Isa itong fantasy movie na kung saan ay kinulam siya ng ina ni Maxene dahilan sa pagiging tsikboy niya at naging kuba. Makakaalis lamang siya rito kapag nakakita siya ng isang tunay na pag-ibig. O di ba familiar?

    Mayro’n din siyang isang sitcom na nakatakdang simulan kasama sina Aiai delas Alas, Randy Santiago at Vhong Navarro.

    March of next year ay tutungo ng US si John para kumuha ng course sa filmmaking sa New York University. Tatlong buwan lamang ito tatagal.

    "Pangarap ko ring makapag-direct ng short film at MTV and eventually a film balang araw," aniya.

    Ayon naman kay Maxene, matagal na silang magkaibigan ni John, sa Ang TV pa. "Kaya walang problema sa aming dalawa. Naging closer nga kami while shooting Playboy Kuba dahil sa Tanay, walang signal kaya kaming dalawa ang madalas na magkausap," sabi nito.