John gaya-gaya kay Johnny Depp
By: Nitz Miralles
From: People's Tonight   [April 15, 2006]


    Tiyak na may magtataas ng kilay sa sinabi ni John Prats na ginagaya niya si Johnny Depp na nilalaro ang character 'pag may bago siyang pelikulang ginagawa.

    Nilaro raw niya ang portrayal ng role ng bading na si Orson sa Manay Po. Ginagawa rin niya ang gustong makita ni director Joel Lamangan sa kanyang character.

    Natawa si John sa tanong ni Walden Belen na paano kung bading pala siya't late bloomer lang?

    "I doubt it. Kilalang-kilala ko ang sarili ko at kung bading talaga ako, dapat na-realize ko 'yun noong nasa Bahay ni Kuya pa ako."

    Nabanggit ni John noon na last gay role na niya ang Ako Legal Wife, pero bakit bading na naman siya rito?

    "Ang sabi ko, 'di parehong gay role ang gagawin ko. Closet gay ako sa ALW at dito, screaming fag. Lantaran ang pagka-bading at pareho kami ni IC Mendoza. 'Di ako satisfied sa first gay role ko, kaya tinanggap ko ito. Pero, last na muna ito't may Bituing Walang Ningning ako."

    Hindi problema ni John sa nililigawang si Nancy Castiglione ang pagganap niyang bading. Hindi pa naman daw sila't nasa dating stage pa lang sila.

    Pero nag-"I love you" na siya sa dalaga't naghihintay pa ng sagot. "Bonbon" pala ang pet name ni John kay Nancy, pero 'di namin naitanong kung bakit.