John, may pinupormahang non-showbiz girl
By: Nel Alejandrino   From: People's Tonight
[July 7, 2006]


    May kuwento pala kung bakit ’di nagkaroon ng magandang ending ang dapat sana’y namumukadkad nang romansa between John Prats at Nancy Castiglione.

    The culprit? Ang sobrang busy schedule ni John. Na-realize niya na kung magiging mag-on sila ni Nancy, ’di niya maibibigay ang kaukulang time rito bilang girlfriend.

    Heto pa ang maganda. Napag-usapan nila ang tungkol sa bagay na ito at naintindihan din ni Nancy.

    After all nga naman, they are still in the getting-to-know-you stage.

    Matatandaang ang attempt ni John na ligawan si Nancy ay naganap bago siya pumasok sa Bahay ni Kuya bilang isa sa 14 housemates sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition (PBBCE).

    Obvious na habang nasa loob siya ng Bahay ni Kuya, naging more intense ang desire niya na ligawan si Nancy.

    Pero marami nga siyang natutuhan sa loob, specifically from Big Brother himself. Sabi raw nito, matutuhan muna niyang mahalin ang sarili bago mai-share ang pagmamahal sa iba.

    Ngayon lamang niya nauunawaan ang ibig sabihin ni Big Brother. Ang feeling niya, tama ito.

    From hereon, gusto muna niyang pagbigyan ang sarili na gawin ang mga bagay na alam niyang makapagpapaligaya sa kanya, para higit siyang makapagpaligaya ng iba.

    He wants full satisfaction from his career. At ngayong unti-unti nang naibibigay sa kanya ang feeling niya’y magandang break, he naturally wants to make the most of it.

    John is in the cast of the new ABS-CBN sitcom, Aalog-Alog where he, along with Jayson Gainza and Zanjo Marudo, is an OFW sa Japan na naloko ng recruiter (played by Keanna Reeves).

* * *

    John admits he’s never had it so good, career-wise.

    He recently signed a three-picture contract with Regal Films at ang unang project niya for the outfit this year is Super Noypi. He co-stars in the film with Mark Herras and Jennylyn Mercado.

    Isang fantasy ang pelikulang ito and will have Quark Henares as director.

    For those who don’t know it yet, anak si direk Quark ng kilalang medical expert na si Dra. Vicki Belo.

    “Pang-Metro Manila filmfest ang pelikula,” ani John. “Kaya excited ako. Last year, may MMFF entry din ako. ‘Yung Mano Po 2.”

    Bukod sa Aalog-Alog, nasa cast din si John ng malapit nang matapos na teleserye, Bituing Walang Ningning, pinangungunahan nina Sarah Geronimo, Ai-Ai de las Alas, Zsa Zsa Padilla at Angelika dela Cruz.

    Nasa cast din siya ng isang bagong teleserye ng ABS-CBN. Wala pa itong tiyak na titulo, aniya. Pero ang alam niya, iti-tape ito sa Barcelona, Spain. Makakasama niya rito sina Toni Gonzaga at Lucky Manzano.

    Eh, paano na ang kanyang lovelife?

    Dati na kasing napababalitang may pagka-pabling (playboy) si John.

    “I’m going out with a non-showbiz girl,” sagot niya.“ Pero wala pa kaming formal commitment.

    “Nag-aaral rin kasi siya. We have known each other for three years na. Pero, ngayon lang nagkakaroon ng bagong chapter ang pagkakaibigan namin.

    “Ayaw ko siyang madaliin. Bagama’t alam kong alam niya na may iba nang pinupuntahan ang kung anumang feeling mayroon ako sa kanya.

    “Sabi nga, we’ll just allow things to flow,” pahayag pa ni John.

    Natapos na rin daw niya ang kursong Management sa Thames University last year.