John, guwardiyado ng non-showbiz GF
By: Nitz Miralles   From: People's Tonight
[November 03, 2006]


    Isang magandang friendship ang na-develop kina John Prats at Mark Herras nang magsama sa Super Noypi. Sayang lang at ’di pupuwede ang plano nilang para mas mai-promote ang pelikulang entry sa Metro Manila Film Festival, mag-guest si Mark sa ASAP at siya’y lalabas sa SOP.

    In the two guestings, dance showdown sana ang gagawin nila.

    Exclusive ang contract ni John sa ABS-CBN at ganu’n din si Mark sa GMA-7, kaya malabo silang magkasama sa isang dance showdown.

    Mangyayari lang ito sa next movie nila sa Regal next year, na isang dance movie. Wala pang details sa project na ito at sa SN muna gustong mag-focus ng dalawa, pero excited na silang muling magkasama at magpagalingan pa sa sayaw.

    Inokray namin si John na mas magaling na dancer si Mark dahil may two dance albums na from Universal Records at siya’y wala pa. Kami ang na-surprise dahil gagawa rin daw siya ng dance album sa Universal to be released next year.

    Enjoy si John gumawa ng pelikula sa Regal dahil talents ng Channel 7 ang nakakasama at si Mother Lily lang daw ang nakagagawa nito.

    “Gaya si Mark, never ko siyang nakilala, sa pangalan ko lang siya kilala. Bago sa akin ang set-up na gumawa ng movie and from Channel 7 ang co-stars. I always look forward sa shooting dahil new friends and new environment lagi,” sabi nito.

    Nasa pictorial pala ang non-showbiz girlfriend ni John na si Miakka Lim, 20 years old, ComArts student ng La Salle at anak nina Olen Lim at Talk ’N Txt team manager Frankie Lim.

    Nagbeso ang dalawa, na nakita ng isang taga-press, kaya nakilalang si Miakka ’yun. Dumadalaw din ang dalaga sa shooting at ipinakilala siya ni John sa mga kasama.

    Hindi raw nito pinagselosan si Katrina Halili, na minsang na-link kay John, at hindi naniwalang hinipuan nito ang BF dahil one of the boys ang pagkakilala sa sexy actress.