John, pumayag na support lang kina Mark at Jen dahil kay Rhian
By: ----   From: Bandera
[July 5, 2006]


    Naitanong namin kay John Prats kung bakit siya pumayag na magsilbing suporta lamang sa movie nina Mark Herras at Jennylyn Mercado na Super Noypi samantalang bago pa man makilala ang dalawa ay John Prats na siya. Ayon kay John, "Hindi naman importante sa akin kung sino ang bida, basta maganda yung project ay okay lang kahit supporting cast lang ako."

    Tamang tama naman ay napadaan ang kapatid nitong si Camille Prats at ibinuko ang binata. Ayon sa FHM No. 25 Sexiest ay may ibang dahilan ang kanyang kapatid sa pagtanggap ng nasabing proyekto at iyon ay walang iba kundi ang pretty newcomer na si Rhian Ramos (leading lady ni Richard Guttierez sa Captain Barbel).

    Ayon kay Camille, noon pa siya kinukulit nito na ipakilala siya kay Rhian ngunit dahil sa sobrang busy ng schedule ay hindi ito nangyari. Pahabol na hirit pa ni Camille, "O Ayan, magkakasama na kayo sa movie, siguro naman makikilala mo na siya ng mabuti".

    Pero teka, paano na kaya si Nancy Castiglione? Hindi pa namin nakikita ng personal itong Rhian Ramos pero mukhang nagiging kilabot ito ng mga ex-housemate ni Kuya.

    Nabalitaan namin na mismong si Sam Milby ay interesadong makilala ang dalaga. Pati ang ex-housemate na sina Aldred Gatchalian at Juaqui Mendoza ay may crush sa leading lady ni Richard Guttierez.