John Prats, mas maganda kesa kay Camille
By: Vinia Vivar   From: People's Tonight
[April 12, 2006]


    Ang ganda-ganda pala ni John Prats kung naging babae siya.

    Sa pelikula kasing Manay Po, binihisan siya ng damit-babae since bading ang kanyang role.

    Ang daming nagandahan sa young actor at komento nga ng isang kasamahan sa hanapbuhay, mas maganda pa raw ito kesa sa kapatid na si Camille Prats.

    Ayon kay John, nahirapan daw siyang mag-portray ng gay role sa Manay Po unlike noon sa Ako Legal Wife na hindi raw masyadong buking.

    "Nagulat na lang ako paglabas ko ng Bahay ni Kuya, the following day ay nag-pictorial na ako at sinuotan ng damit ng babae," kuwento ni John.

    Kinailangan pa niyang mag-aral ng gay lingo para lang magampanan nang mahusay ang karakter.

    "Tulad nu'ng Luz Valdez, malay ko ba dati kung ano 'yun. Ngayon, alam ko na, 'lost' pala ang ibig sabihin nu'n o talo," say pa ng aktor.

    Ang direktor nilang si Joel Lamangan at si Cherry Pie Picache na gumaganap naman na nanay niya sa film ang nagturo sa kanya ng mga kabaklaang salita.