John at Shaina, nagkita sa isang condo?
By: Jun Lalin   From: Abante Tonite
[March 23, 2007]


    Noong isang gabi ay may nag-text sa amin. Ano raw ang ginagawa nina Shaina Magdayao at John Prats sa isang condominium building sa may Eastwood City?

    Hindi sure ang nag-text sa amin kung magkasama sina Shaina at John. Ang dalaga raw ang una niyang nakita bago ang brother ni Camille Prats.

    Tinawagan namin si John para mag-usisa.

    "Tito Jun, hindi po kami ni Shaina ang magkasama. Girlfriend ko po ang kasama ko. Hindi ko nga po nakita si Shaina, eh," depensa ni John, na ang tinutukoy na girlfriend ay anak ng isang dating PBA player. May dinalaw lang daw siya sa condominium building na ‘yon.

    Sa pag-uusisa pa namin, napag-alaman namin na hindi sina John at Shaina ang magkasama sa condominium building na ‘yon.

    Ang pinuntahan ni Shaina sa lugar na ‘yon ay ang best friend niyang si Bea Alonzo.

    Madalas daw dumalaw si Shaina sa condominium building na ‘yon dahil magkabarkada sila ni Bea.