John Prats bilang Boomboom Bautista sa MMK
By: ----   From: Abante Tonite
[May 04, 2007]


    Tunghayan ang transpormasyon ng dating teen idol na si John Prats sa kanyang papel bilang boksingerong si Raynaldo ‘Boom Boom’ Bautista sa Maalaala Mo Kaya ngayong Biyernes nang gabi sa ABS-CBN.

    Lumaki si Rey (John Prats) sa Candijay, Bohol, kung saan mara-ming batang lalaki ang nangangarap na maging boksingero.

    Gusto niyang magsanay sa pagiging boksingero para magkaroon siya ng scholarship at ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

    Higit pa rito, gusto niyang ipagpatuloy ang pangarap ng kanyang ama, na minsang sumabak sa mundo ng boksing subalit hindi pinalad.

    Pumasok si Rey sa larangan ng boksing sa edad na 12. Mula noon, inilaan na niya ang buhay sa pagboboksing.

    Sa pag-eensayo umaga’t gabi, natutunan niya kung paano talagang lumaban, sa boksing at sa buhay.

    Tampok din sa episode na ito sina Bembol Roco, Jacklyn Jose, Mico Aytona at Kyle Balili.

    Samahan si Ms. Charo Santos at manood ng Maalaala Mo Kaya ngayong gabi pagkatapos ng Maging Sino Ka Man sa ABS-CBN.