John Prats seriously courting Shaina Magdayao
By: Nerisa Almo From: Philippine Entertainment Portal
[November 29, 2007]

    Isa-isang sinagot ng young actor na si John Prats ang mga isyung nag-uugnay sa kanya at kina Rayver Cruz at Shaina Magdayao, na sinasabing nililigawan niya ngayon.

    Sa press conference ng bagong scent line ni John na Motion sa Scent Station na ginanap noong November 27 sa Imperial Palace Suites, Timog Ave, Quezon City, nilinaw ni John na wala siyang kinalaman sa diumano'y pagba-backout ni Rayver sa panliligaw sa nakababatang kapatid ni Vina Morales na si Shaina.

    Hindi kaya dahil ito sa pag-amin ni John na nililigawan na niya si Shaina?

    "Kung ako yung reason, I doubt kung ako kasi parang wala naman akong ginawa, e. I didn't talk to him na parang lumayo na siya, ganito yung gawin niya. Actually, hindi ako yung ganung tipo ng tao. Kung anuman yun, I think siya yung dapat tanungin kung anuman yung reason. Basta ako, I'm always here for Shaina. Kung hindi man niya ako sagutin o hindi, I'm always here for her," depensa ni John.

    Dagdag pa ng binata, "I saw sa write-up dahil daw sa akin? Parang ako naman, if you like someone, di ba? Siguro itotodo mo, walang makakahinto kahit na sino."

FOUR-MONTH RELATIONSHIP.
    Kamakailan ay may lumabas ding balita na nagsasabing apat na buwan na ang relasyon nina John at Shaina. Totoo ba ito?

    "Nakakatawa yung part na 'yon," komento ni John, "Sa nagsabi na four months na kami, e, yun palang yung kakaamin ko pa lang sa kanya, siguro nung week na 'yon, na I like her.

    "That was two months ago noong lumabas 'yon. 'Tapos, ito lang, recently lang, naglabas na naman na four months na kami. Sana minove niya ng konti in two months para consistent siya," natatawa niyang sabi.

    Sabi ni John, hindi rin totoo na pinaplano nilang dalawa ni Shaina na magkita sa bahay ni Bea Alonzo, na kilalang malapit na kaibigan ng young actress.

    "Yun, isa pang weird kasi hindi pa ako nakakapunta ng condo ni Bea. Kasi parang close kami ni Bea. pero parang, for me rin, mahihiya akong tao na parang nagkikita kami sa ibang bahay. Parang hindi 'ata tama 'yon," natatawang paliwanag ni John.

    Dagdag pa niya, "Hindi pa kami lumalabas ng kaming dalawa lang. Kasi, like after ASAP, lumalabas kami pero group kami. Lunch lang, hindi naman formal dinner or what. As in friendly lunch, ganun yung nangyayari."

UNPLANNED COURTSHIP.
    Isang paglilinaw ni John na hindi niya sinubukang itago ang kanyang panliligaw kay Shaina. Matatandaan na mas naunang naipaalam ni Shaina ang tungkol sa pagporma ni John sa kanya kaysa mismong personal na aminin ng young actor.

    "Kasi nauna siyang tinanong. Kasi ako, when I saw the interview, wala naman akong opportunity to say... Ayoko naman na, ‘Okay, press, come here, kakausapin ko kayo.' I saw that interview, siya yung naunang tinanong," paliwanag ni John

    Ayon kay John, halos isang linggo pa lang siyang nangliligaw nang aminin ni Shaina sa publiko ang tungkol sa kanyang panliligaw. "Sunud-sunod yung presscon niya, ako yung... Naku, sorry ha, wala naman akong...alangan namang magtawag ako ng presscon?"

    Inamin din niya na wala talaga sa plano ang kanyang panliligaw at biglaan na lamang niya itong naramdamang gawin.

    Aniya, "Walang plano. Five years ago, we were close because of my sister [Camille Prats], Marinella magkasama na sila. Magkakilala na kami, sabay na kami lumaki, so alam namin yung ugali namin. Hindi ko maalala kung ano ang nag-trigger, siguro nagdya-jive lang kami in so many things."

    Samantala, naikuwento rin ni John na diretso sa bahay ang kanyang panliligaw dahil "yun ang gusto ng family."

    Minsang nagpunta raw si John sa bahay ni Shaina ay nataon pa diumano na may "barbecue party" ang pamilya ng dalaga.

    Salaysay ni John, "Barbecue dinner so kumpleto sila. Na-invite ako, siyempre nerbiyos na nerbiyos ako kasi buong pamilya na 'yon. But noong pagpunta ko doon, sobrang okay sila, ‘O, kumain ka na?' Ganun-ganun. So nung narinig ko 'yon, in-entertain nila ako, kahit papaano nawala yung kaba ko ng konti 'tapos in-enjoy ko na yung night."

    Ngayong tila tanggap na siya ng pamilya ni Shaina, may balak ba siyang mag-backout sa kanyang panliligaw sa dalaga?

    Sagot ni John, "Kung ako, parang wala akong makitang reason to give up Shaina."