John, handang gawin ang part 3 ng "Manay Po!"
By: Nitz Miralles   From: People's Tonight
[April 15, 2008]

Masaya si John Prats sa very positive feedback ng tao sa Manay Po 2: Overload sa premiere night nito at sa mga eksena at role niya bilang ang bading na si Orson.

To think na nagkaroon siya ng second thought na tanggapin ang project, dahil ayaw ma-typecast sa bading role.

Matagal niyang pinag-iisipan kung gagawin ang pelikula at kahit sinabihan siya ni Direk Joel na ’di magiging original ang cast kung wala siya, hindi pa rin siya nakumbinse.

Tinanggap lang niya ang pelikula nang ibigay ni Mother Lily Monteverde ang request niyang bigyan siya ng serious movie after MP2: Overload at ito’y ang Loving You.

Pagkatapos mapanood nang buo ang pelikula, kumbinsido si John na tama ang desisyon niyang gawin ang pelikula.

Magsisisi raw siya kung ’di niya ito tinanggap at kahit hindi pa tiyak, “oo” na agad ang sagot kung magkaka-part three ito.

Inimbita ni John si Shaina Magdayao na manood ng premiere night at umoo ito, pero nagkaroon ng show at naintindihan niya kung mas inuna ang trabaho.

Maganda raw kung manonood ito na magbabayad para matupad ang dream ni Manny Valera na umabot sa P100 million ang box-office gross nito.

Hindi sinagot nang diretso ni John kung sila na ni Shaina, pero base sa body language at sagot na “Basta, I’m very happy, sobrang happy,” alam na kung mag-ano sila.

Sabi pa nito, title lang ang boyfriend/girlfriend at mas importante ang kanilang nararamdaman.

Natawa si John sa tanong kung totoong nakita siyang hinahalikan ang braso ni Shaina sa rehearsal ng ASAP.

Saan daw ba galing ang tsismis?

“Hindi totoo ’yan, hindi ako ma-PDA (public display of affection) na tao. Kahit gustung-gusto ko na, ’pag maraming tao, behave ako,” pahayag nito.