John Prats clarifies reports that he is moving to GMA-7
By: Nora Calderon   From: Philippine Entertainment Portal
[April 14, 2008]

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si John Prats pagkatapos ng successful premiere night ng Manay Po 2: Overload sa SM Megamall Cinema 6 kagabi, April 13.

Everybody congratulated John dahil sa mahusay niyang pagganap muli bilang isang bading. Kumusta ang feeling na nagustuhan ng mga nanood ang movie at ang acting niya?

"Masaya po at nagsisi sana ako kung hindi ko ito tinanggap," nakangiting wika ni John. "Totoo pong nagdalawang-isip ako noon dahil paalis ako papuntang States. Gusto ko kasing makasama ang kapatid kong si Camille, na nasa Los Angeles noon dahil pregnant nga siya. Ang plano po kasi noon, sisimulan na agad ang movie at may playdate na agad. Kaya sabi ko, hindi ko na lang tatanggapin. Kaya lang, nagtagal din ako sa States.

"Pagbalik ko, hindi pa rin pala nagawa ang movie, at tinanong nila ako ulit kung puwede ko na raw gawin. Nasa isip ko, baka talagang para sa akin ang movie. Sabi ko lang kay Mother Lily [Monteverde] kung puwedeng bigyan niya ako ng isa pang movie after ng Manay Po 2. Pumayag naman siya, at may bago nga akong movie, ang Loving You [na dating Love Is All That Matters]. Katambal ko dito si Ehra Madrigal at si Don Cuaresma ang director namin. Last shooting day na po namin tomorrow [April 15].

"Nag-enjoy po kaming lahat sa shooting ng Manay Po 2," patuloy ni John, "kaya hindi namin halos namalayan na matatapos na pala ito. Nalungkot din kami nang malaman namin na last shooting day na pala namin. Maganda po kasi ang script ni Kuya Dinno [Erece] at tawa ako nang tawa na may mga sinasabi akong Jewel in the Palace, La Vendetta, Jumong, at may Whammy pa sa mga dialogues ko. Hindi ko po kasi alam kung ano ang mga ‘yon, maliban po sa La Vendetta."

Ang mga naturang titulo ay mga palabas sa GMA-7.

NOT MOVING. Tinanong na rin namin kay John ang unanswered issue noon pa na balitang lilipat na siya sa GMA Network. Nasulat din na nagpaalam na raw siya sa ASAP '08.

"Hindi ko nga po alam kung bakit may lumabas na ganoon dahil wala naman akong balak umalis sa ABS-CBN. Sa akin po kasi, hanggang gusto pa ako ng ABS-CBN, sa kanila pa rin ako," paglilinaw ni John.

"In fact, nagulat nga po kami nina Jason [Gainza] at Zanjoe [Marudo] nang malaman naming magpa-pilot telecast na pala kami ng aming comedy serye na Parekoy sa April 28. Papalitan po namin ang Palos. Sa medyo late timeslot na kami, after ng PBB Teen Edition Plus. Kasama namin dito ang napakaraming girls, including the White Castle Girls.

"Hindi rin po totoo na nagpaalam na ako sa ASAP '08. Kung talaga pong nandoon ‘yong nagsulat, malalaman niyang hindi ako nagpaalam sa mga kasama ko sa show. Bakit po naman ako magpapaalam sa programang mahal ko?" pahayag niya.

Natawa si John nang sabihin ng PEP na hindi kasi niya kayang iwanan si Shaina Magdayao na kasama niya sa ASAP '08. Napansin din namin na hindi niya kasama sa premiere night si Shaina. Hindi niya ba inimbitahan ang young actress?

"Inimbitahan ko po siya, kaya lang may out-of-town show siya. Mabuti rin po na hindi ko siya nakasama, para magbayad siya kapag nanood na siya!" natatawang wika ni John.

Nilinaw na rin namin kay John ang bagong intriga sa kanila ni Shaina nang umagang iyon ng Sunday. Pinaghahalikan daw niya ang mga braso ng rumored girlfriend noong nagre-rehearse sila ng dance number nila sa ASAP '08. Totoo ba ito?

"Hindi ko pa po girlfriend si Shaina," sabi ni John. "Kahit po girlfriend ko na siya, hindi po ako mahilig mag-PDA [public display of affection] kahit pa gustung-gusto ko na, dahil hindi ko puwedeng gawin ‘yon kay Shaina. Sa ngayon po, ang masasabi ko lang sa relasyon namin ni Shaina, I'm very much happy."