John Prats na-starstruck kay Aiko!
By: Veronica R. Samio   From: Pilipino STAR Ngayon
[August 31, 2008]

Kung may ini-expect akong mas nakakabatang aktor na papayag gumanap sa isang May-December love story, hindi si John Prats yon. Obviously, nagkamali ako, hindi ko pala kilala ang batang aktor na nagpasyang tumanggap ng mature role para sa ikauunlad ng kanyang career. Binabati at pinupuri kita, John although kay Aiko Melendez na mismo nang­galing na wala ka namang dapat ipag-alala sa iyong magiging role bilang kapareha niya sa Your Song Presents para sa buwan ng Setyembre. Bukod sa mga kissing and love scenes na ginawang maganda ni Direk Don Cuaresma.

“It’s as if nag-bold na ako,” panimula ni Aiko sa presscon ng kanilang series. Kahit medyo natagalan ang aking comeback, hindi ito dahilan para magwala na ako in accepting role. Marketing idea lang yung mga lumalabas to promote the series pero, isang teacher ang role ko. And although I’d like to think na sexy na nga ako, my role is not really sexy,” pagtutuwid ng konsehal din ng Quezon City bukod sa pagiging isang artista.

Inamin ni John na kinabahan siya nang malaman niyang si Aiko ang makakatambal niya. Bukod sa tema, sinabi niyang matagal na niyang crush ang aktres na una niyang nakasama sa pelikulang Madam X, at bata pa siya nun.

“Na-starstruck ako sa kanya,” pag-amin ng aktor na bukod sa Your Song Presents ay kasama rin sa seryeng I Love Betty la Fea, Tiny Tony, Sanlakas at isang comedy show kasama si AiAi delas Alas.

Bukod sa magkapareha sila, barkada na rin sina John at Aiko. “Hindi naman mahirap, palakaibigan siya, very sweet, hindi mahirap na magkaro’n kami ng bonding,” dagdag pa ng aktor na nakakapag­kwento na tungkol sa lovescene nila ni Aiko na aniya ay “very light lang, ini-establish lang before and after na nagkaro’n kami ng one night stand. Nakakahiya nga dahil naka-take three kami dahil ninerbyos ako,” pagtatapat pa rin ni John.

Dalawang fresh faces din ang kasama sa cast — sina Krista Ranillo at Carlo Guevarra. Bukod sa serye, mapapanood si Krista sa TV Patrol bilang Star Patroller. Gagampanan niya ang role ni Mitch, ang fiance ni John. Si Carlo naman na winner sa Be Bench model search si Carl, estudyante ni Aiko na may crush sa kanyang teacher. Kasama rin ang Bench model na si Rob Morales.