Pagod ni John nawawala kay Shaina!
By: Veronica R. Samio   From: Pilipino STAR Ngayon
[October 4, 2008]

Naghubad nga ba si John Prats sa bago niyang teleserye? Ang sabi niya, naka-cycling shorts daw siya at hindi naman totally nude sa isang eksena sa Tiny Tony, ang pinaka-latest Mars Ravelo super hero na nabasa sa komiks noon at ngayon ay mapapa­nood na sa TV at ang pagkakataong magampanan ang title role ay naibigay kay John Prats.

Ang eksena ay sumabog ang isang laboratoryo na kung saan may ginagawang eksperimento ang doktor na ginagampanan ni Pen Medina at ang assistant niyang si John. Dahil dito ay lumiit ng anim na pulgada si John at siyempre lahat ng gamit niya sa katawan ay naging malaki at maging ang lahat ng nasa paligid niya. Kinailangan niyang gumamit ng papel para pantakip sa kanyang katawan pero maki­kita na muna ng audience na hubad siya.

“Mahirap ang role ko kung tutuusin dahil madalas mag-isa lang akong kinukunan, lalo na kapag maliit na ako samantalang yung mga co-actors ko—Alex Gonzaga, Coco Martin, Aaron Villaflor, Susan Africa, Gerald Acao, Mura, atbp.—ay magkakasama sa taping bilang mga magkakasin­laking tao. Sila palaging take one lang pero ako nakakaabot hanggang take seven dahil maraming reaksyon ang kailangang kunan,” ani John na meron ding kissing scene kay Alex pero maging dito ay parang nadaya siya dahil magkahiwalay silang kinu­nan ng kapareha.

“Mahirap din yung mga fight scenes dahil palagi akong naka-harness dahil supposed to be ay naka­kali­pad ako at kahit wala akong kaeksena, may mga emotions na kailangan kong maibigay at ang POV kailangang palaging tama. Sumakit din ang singit ko sa tagal ng pagkakatali,” ani John na hindi naman nagrereklamo, nagkukwento lang.

Inamin din niya na nagsilbing pampa-relax niya tuwing makakatapos siya ng taping ang kanyang girlfriend na si Shaina Magdayao.

“Siya ang nagbibigay lakas sa akin kapag pagod na pagod na ako,” pagmamalaki ng aktor na bukod sa matagumpay ang career masaya rin ang lovelife at maging ang kanyang negosyong billboard printing.