Shaina, suportado ni John sa hiwalayan ng mga magulang
By: Vinia Vivar   From: People's Tonight
[October 4, 2008]

Inamin ni John Prats sa presscon ng Komiks Presents Mars Ravelo’s Tiny Tony nu’ng isang gabi na talagang nagkaroon ng offer ang GMA-7 bago pa man ibigay sa kanya ng ABS-CBN ang proyektong ito.

“Pero hindi nga po ako pinayagan ng ABS-CBN at natutuwa po ako dahil nandito pa rin ako sa bakuran nila. At least, hindi ko na mami-miss ’yung mga taong nakasama ko for 17 years,” he said.

Ano ang ibinigay sa kanyang assurance ng mga bossing sa Kapamilya channel para hindi siya lumipat?

“Siguro ’yung sa akin, kaya ako nag-stay, na nag-stay ako rito for 17 years, when Tita Cory (Vidanes) and Sir Deo (Endrinal) talked to me, that’s enough assurance, and nakikita ko naman ’yung in-assure nila sa akin, so sobrang happy ako talaga.”

Sunud-sunod ang projects ni John sa Kapamilya. Katatapos lang niya ng Your Song Presents with Aiko Melendez at ngayon ay sa Tiny Tony naman siya mapapanood every Saturday simula October 11.

Papasok din daw siya sa I Love Betty La Fea at mayroon pang isang secret project na ibibigay sa kanya.

Napapanood din siya sa ASAP ’08 every Sunday.

Pero sa lahat daw, dito sa Tiny Tony siya na-excite nang husto dahil na rin sa superhero ang role niya, na kakaiba dahil pinaliit siya kesa ordinaryong tao.

Ani John, dusa siya sa taping dahil siya lang mag-isa parati ang kinukunan komo nga maliit siya.

“Bale inuuna muna ’yung mga kasama ko sa scene nang wala ako and then, uulitin namin lahat na ako lang mag-isa. Mahirap, kasi kaunting pagkakamali lang sa level ng tingin, masisira na ang scene,” say ni John.

Ang ikinatuwa ng aktor, hindi masyadong mahirap isuot ang kanyang costume at hindi rin mabigat. Colorful pa ang kulay na electric orange at yellow at ang dahilan daw dito ay para makita siya agad since maliit nga siya sa screen.

Leading lady ni John si Alex Gonzaga, na ayon sa aktor, ang bilis ng panahon dahil dati, ang ate nitong si Toni ang nakakasama niya, ngayon ay ang younger sister na nito.

* * *

On John’s personal life, alam naman ng lahat na si Shaina Magdayao ang kanyang lady love although hindi pa nila inaamin officially na sila na nga.

Ang tanging masasabi lang ng aktor sa estado ng relasyon nila ngayon ay exclusively dating sila.

“Medyo nagkakahirapan lang kami sa schedule talaga, minsan, sa ASAP ’08 na lang kami nagkakasama. Pero ’pag may time, I go naman to their house,” say ni John.

Wala pa raw silang monthsary at hindi siya naniniwala sa ganito.

“Kapag dumating kami sa time na ganu’n, ang gusto ko, daysary. Everyday you spend time together at may bagong nangyayari sa buhay n’yo everyday, so, I would set it daysary.

Aminado rin ang aktor na si Shaina na talaga ang babaeng gusto niyang mapangasawa.

“Sana siya na talaga, ginagawa ko naman ang lahat ngayon para du’n mag-end ang mga pangyayari. Sana po talaga, siya na. Every night I pray na sana siya na talaga,” say ni John.

Okay naman daw siya sa family ni Shaina at ang masasabi lang niya ay malinis ang intensyon niya sa dalaga.

Speaking of Shaina’s family, naitanong din kay John ang tungkol sa pinagdaraanan ngayon ng young actress sa pamilya nito.

Diumano, umamin na ang younger sister ni Vina na separated na ang parents nila.

Ayon sa aktor, as much as possible, ayaw niyang magsalita tungkol dito, since private matter na ito ng pamilya, pero ang masasabi lang niya ay lagi siyang nasa likod ni Shaina.

“I always tell her na I’ll always be here,” pagtatapos ni John.