Parekoy titikman ang mas pinasarap na Banana Split
By: ---   From: Philippine STAR
[April 16, 2009]

MANILA, Philippines - Mas makulit, mas malupit at mas hit na hit!

Humanda na sa mas malasang Saturday dessert na ihahain sa inyo ng mas pinasarap na Banana Split simula sa Sabado (April 18).

Ang paborito mong seksi-barkada nina Angelica Panganiban, Cristine Reyes, at RR Enriquez ay sasamahan na ng Parekoy boys na sina Zanjoe Marudo, Jayson Gainza at John Prats.

Pati ang sikat na komedyanteng sina Pooh at Pokwang ay makikigulo na rin.

“Naging matagumpay ang una naming season kaya nais naming pasalamatan ang lahat ng sumuporta sa amin sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong lasa,” sabi ng Production Manager na si Cynthia Jordan.

Abangan ang mga panibago at barkada-oriented segments tulad ng Makakaya Mo Kaya, N.N.N.N. (entertainment News Na Naman), Laugh Ten at Cine Banana.

Magpapatalbugan din ang boys at girls sa kanilang sariling segments.

Ang Banana Split ay inilunsad noong Oktubre 2008 sa direksyon ng mag-amang sina Frasco at Bobot Mortiz.

Tikman na ang pinakabago at mas pinasarap na Banana Split ngayong Sabado (April 18), pagkatapos ng XXX sa ABS-CBN.